Isang taon na naman ang lumipas. Ang bilis ng panahon. Labing-isang taon na pala ako sa pagtuturo. Kasabay ng mga pagbabago sa buhay ko bilang may asawa ay ang pinakamalaking pagsubok na hinarap ko sa aking pagtuturo; bigla ko na lang naramdaman na ayoko nang pumasok sa eskwelahan, Hunyo pa lamang nung mga panahon na ‘yun. Nasa puso ko pa ang pagtuturo pero hindi na ako natutuwa sa sistema ng kagawaran.
Simple lang naman ang inaasam ko; tahimik at masayang buhay, magbiyahe, at magturo. Okay na ako dun. Siyempre may mga munting kahilingan pa rin ako pero sapat na yung mga yun. Kung yung iba eh nangangarap ng mga engrandeng bagay, ako hindi. Pero sa labing-isang taon ko sa pagtuturo, ngayon lang ako nakaramdam na ayoko na pumasok sa eskwelahan, gusto ko magturo pero hindi na ako masaya sa mga nangyayari sa ekwelahan.
Isa sa mga pinaniniwalaan ko sa buhay ay ang hindi mo kailangan na magtagal sa isang bagay o sitwasyon kung hindi ka na masaya. Nangyari ito sa dati kong trabaho sa bangko noong gumising ako isang umaga na ayaw ko na pumasok, na hindi na ako masaya, na napagod na ako magbilang ng pera ng ibang tao. Sa Graduate School naman, mga ilang taon na ang nakalilipas, bigla na lang akong tumigil habang nasa kalagitnaan ako ng paggawa ng thesis ko. Napahagulgol ako bigla at sinabing, "Ayoko na". Sa parehong pagkakataon, bigla na lang ako nag desisyon na ayoko na at umalis ako bigla-bigla. Hindi ako nagsisi sa mga naging desisyon ko dahil nahanap ko na ngayon ang mas ikaliligaya ko.
Natahimik sa kinauupuan nila ang mga kasamahan kong guro noong sinabi ko na ayoko na muna magturo. Muna. Walang pangwakasan na desisyon. Pahinga muna. Ganun.
Sinabi ng mga kasamahan ko na baka daw isa lamang itong phase sa aking pagtuturo, na siguradong magbabago rin ang isip ko. Pero desidido talaga ako noong mga panahon na iyon.
Hindi ko masisisi ang sarili ko sa mga naramdaman ko. Sa totoo lang, sa tagal ko na sa pagtuturo, ngayon ko lang naramdaman na mas marami pang ginagawa ang mga guro sa labas ng klasrum kesa sa loob. Na mas sinusukat ng mga kinauukulan ang kahusayan ng mga estudyante sa dami ng mga ginagawang reports at forms ng guro. Sa dami nang iniintindi ng mga guro sa lesson at personal na buhay ng mga estudyante nila eh sumasabay pa ang padami na padami na trabahong wala naman kinalaman sa pagtuturo.
Ayun nga. Hindi ako nagpadala sa padalos-dalos kong desisyon na sinegundahan rin naman ng asawa ko. Mas namutawi ang pakiramdam na gusto ko talagang magturo. Kahit ano’ng mangyari.
Noong pinaglabanan ko ang nararamdaman ko, sinimulan kong hindi na magpatali sa mga walang kinalaman sa aking pagtuturo at iniwasan din na magpadala sa sinasabi ng mga taong nakapaligid sa akin. Ang problema kasi, walang pumapalag kapag naaapektuhan na ang mga guro at mga estudyante sa gustong ipatupad o gawin ng kung sino mang namumuno sa administrasyon, mula taas hanggang sa ibaba. At oo, matindi ang “politika” sa Kagawaran ng Edukasyon katulad sa ibang ahensya ng gobyerno.
Ang nangyayari ngayon eh ang pag-angat ng posisyon sa pagtuturo ay hindi lamang nababase sa mismong pagtuturo kung hindi sa marami pang ibang bagay na kung iisipin mo ay isang malaking kalokohan. Labing-isang taon na ako sa pagtuturo at Teacher I pa rin ako, ang pinakamababang estado. Teacher I pa rin ako hanggang sa ngayon hindi dahil sa hindi ako karapat-dapat ma-promote kung hindi dahil ayoko ilagay ang sarili ko sa sitwasyon na hindi ko kayang sikmurain. Ayoko at hindi ko kailangang patunayan na ako ay “mahusay” na guro base sa mga letrato at papeles na naipon ko sa isang taon. Hindi ko gustong umakyat sa hagdan ng organisasyon dahil ayoko ang mga taong magiging ako pag andun na ako sa taas o baka hindi ko na masilayan ang mga nasa baba kapag andun na ako. Okay na ako sa kung nasaan ako ngayon.
Sa dulo ng pakikibakang ito, ang tunay na nagpabalik sa akin sa loob ng klasrum ay ang mga estudyante ko. Ang mga walang kamuwang-muwang na bata. Ang totoong dahilan kung bakit kami lahat nandito ngunit sila rin ang mas madalas na nakakalimutan sa sobrang pagtuon sa mga guro at sa eskwelahan.
Sa taon na ito, nakahati pa rin ang klasrum namin sa dalawa. Isang section, hanggang 55 na estudyante. Nasanay na kami sa mala corned beef (hindi sardinas) na sitwasyon sa loob na mas madalas na walang electric fan man lamang. Walang group work o walang oral recitation dahil hindi makakatayo ang mga bata sa upuan, at lalong walang kasiguruhan na hindi magkokopyahan sa mga gawain ang mga bata.
Ang lagi ko nalang iniisip, masaya kami sa loob sa bawat isang oras kada araw na magkakasama kami, bahala na sila sa labas na pag-usapan kung paano maiaangat ang antas ng edukasyon ng bansa. Sama-sama kami sa loob na magtataguyod ng maayos na kinabukasan ng isa’t-isa habang nagkakandarapa ang mga nasa labas sa kung anuman ang ginagawa nila.
Sa isang banda, kung tumuloy sana ako sa pagbitiw ko eh di sana hindi ko nakitang umabot ng Palarong NCR ang trainee ko sa Chess. Sana, hindi ko nagabayan ang advisory class ko na halos sampu ang repeaters (kalahati ang nakapasa sa kanila), at hindi ko sana nakita ang mga ngiti sa mukha nila sa bawat araw.
Isang school year nanaman ang nakalipas at isang malaking pagsubok ang nalampasan ko sa buhay pagtuturo ko. At nandito pa rin ako. Ilalaban ko ito. Hanggang dulo.
Naalala ko ang isang pagkakataon noong ipinakilala ako ng isang mayamang kaibigan ko sa kapatid niya, “Si Carla nga pala, ang dami naman pwedeng work niyan pero nagttiyaga sa public school, bayani.”
miss you ma'am! proud of you <3 -KC
ReplyDeleteMiss you too, KC! :)
Delete