Isang Dekada: Kumusta na, Ma’am Carla?


Dati, nung tinanong ako ng Dean ng College of Education kung bakit ako nag-apply for graduate studies, ang nasabi ko lang eh, “Because I will be the next Superintendent of the Division of Quezon City. Remember my name po, ma’am.” Natawa siya. Ako hindi. Tumahimik at sumeryoso siya. Ako naman ang natawa sa sinabi ko. Teacher I pa rin ako magpasa hanggang ngayon, ang pinakamababang ranggo ng isang guro. Maaari na akong magpa-promote, pero mas pinili ko na hindi. Ang yabang noh? Pero okay na ‘ko. Bahala na lang sila sa taas, mas gusto ko kasi ang eksena sa baba. Mas totoo.

Hindi ito tungkol sa mga estudyane at guro. Hindi rin ito ukol sa mga nangyari sa loob ng kwarto sa sampung buwan namin na magkakasama. Tungkol ito sa kanila. Para dun sa mga hindi naman namin nakakasama araw-araw pero kabilang sila ng buong sistema na parang mas alam nila ang mga nangyayari sa amin kahit wala naman sila doon. 


Sampung taon. Sampung graduation ceremonies. Isang dekada ng serbisyo. Tawagin na nating bokasyon o pagmamahal sa propesyon ang dahilan. Pero may mga pagkakataon na talagang sinusubok ako ng panahon na para bang unti-unti na akong bumibitiw at iniisip kung paano at bakit ba ako tumatagal dito. Pero nandito pa rin ako. 

Ayoko talaga 'yang plastic na upuan na 'yan. Nakakasugat pag naputol.
Malapit na namang matapos ang school year na 'to. Ang bilis. Parang bagyo na dumaan lang. Tapos na kaagad. Makikita ko pa rin naman ang mga estudyante ko ngunit hindi ko na matututukan ang mga simple o mabigat na kinakaharap nila sa buhay. Bukas, tuluyan na kaming maghihiwalay ng landas, pansamantala. 

Kapag may nagtatanong sa akin kung bakit Teacher I pa rin ako kahit sampung taon na ako sa pagtuturo eh ngingiti na lamang ako. Maaari akong magpa-promote hanggang Teacher III sa mga papeles na mayroon ako ngunit tinatamad akong mag-ayos ng papel at patunayan ang sarili ko na karapat-dapat ako. Oo, may elimination round at Q&A portion. 

Ang pinaka nagpasakit ng ulo ko na section sa taon na ito.
May bahagi sa akin na hindi ko kailanman kailangang patunayan ang sarili ko. Mayabang man o tamad lang, okay na ako sa ngayon kung nasaan ako—balanse ang buhay pagtuturo, pamilya, lovelife at pagbibiyahe. May mga taong gusto ang maraming letra na nakakabit sa pangalan nila. Ako naman, gusto kong paiksiin dahil ang haba ng pangalan na ibinigay sa akin ng nanay ko. 

Wala akong problema sa mga taong naghahangad na umangat, sa totoo lang. Kung masaya sila at makakadagdag sa pagkatao nila ito eh ‘di dapat maging masaya tayo para sa kanila. ‘Wag na ‘wag nga lang makakaapak ng iba upang marating ang gusto, diyan tayo magkakaproblema.

Mas pinili kong hindi umakyat sa hagdan dahil natatakot akong baka hindi ko na masilayan kung ano ang nasa ibaba.

Kalahati ng klase na 'to ang absent.
Itong taon na ‘to ang masasabi kong pinaka-challenging sa buhay pagtuturo ko. Challenging dahil iba’t-ibang administrasyon ang pinagdaanan namin sa isang buong taon, apat kung susumahin. Iba’t-ibang tagapamuno, iba’t-ibang paraan ng pamumuno. Mahirap, dahil apektado ang lahat—hanggang sa nagbebenta ng turon sa canteen apektado. As in lahat.

Hindi ako kailanman nagsulat ng ukol sa pagiging miyembro sa organisasyon na kinabibilangan ko. Maraming isyu na kinahaharap ang institusyon ngunit mas pinipili ko palagi na tuparin ang magbigay ng patnubay sa susunod na henerasyon ng bansa natin. Pero minsan, hindi mo mapipigilan na maapektuhan sa mga pangyayari sa paligid.

Laban lang
Naalala ko na minsang binanggit ng isang propesor ko na ang pinaka-corrupt daw na ahensiya ng gobyerno ay ang kinabibilangan ko. Na kailangan daw na tanggalin ang lahat ng nasa ahensiya upang maipatupad ang ‘totoong’ pagbabago na minimithi ng lahat dahil nakaugat na daw sa buong sistema nito ang pag-uugaling iyon. Imposibleng mangyari ang suwestiyon niya kaya imposibleng magbago, dagdag pa niya.

Sabi ng isang kaibigan, “Mata sa langit, Paa sa lupa”. Mahirap. Lalo na kung kinain ka na ng sistema. Pero kaya, sana.

May mga pagkakataong gusto ko nang bumitiw sa pagtuturo—na ngayon ko lang naramdaman. Dati, gigising ako ng may galak sa puso at matutulog na payapa ang isip. Ngayong taon, kasimbigat ng patabaing baboy ang humahatak pabalik sa mga paa ko kada pumapasok ako. Isang buntong-hininga, araw-araw, bago ako pumasok sa gate ng eskwelahan. Nakakalungkot.

Ang paborito kong teacher picture :)
Malamang ang sasabihin nila, “Eh ‘di umalis ka na sa sistema dahil marami kang magiging kapalit na bago”. Na totoo naman. Eh pa’no kung sabihin ko sa kanila na sila ang magparaya sa mga taong totoong gustong magsilbi at maiangat ang antas ng edukasyon sa bansa na walang ibang motibo sa pagsisilbi kung hindi ang magsilbi?

Siguro minsan, kailangan mong maramdaman na nasisikil ka na para malaman mo ang totoong halaga ng ginagawa mo. Kada araw, Makita ko lamang ang ngiti sa mga mukha ng kada bata na tinuturuan ko eh napapawi na ang lahat ng poot. Ang mga inosente at nangungusap na mata nila ang dahilan kung bakit hindi ako bumibitiw. At hindi ko sasayangin ang pagkakataon na mahawakan ang mga musmos na kamalayan nila para lamang sa paiba-ibang pagpapatakbo ng sistema na ginagalawan namin.

Hayaan na natin sila.
At sa huling pagkakataon, isinagawa ko pa rin ang tradisyon ko na ‘huling turo’. Sa totoo lang, hindi sapat sa akin na kabisado nila ang bawat salita na nakasulat sa notebook nila, mas nagagalak ako kapag naisasabuhay nila ang mga munting bilin ko sa kanila palagi—na maging masaya para sa ibang tao, na dapat may pagmamahal sa lahat ng ginagawa, at hindi sukatan ng pagkatao ang pera o natapos mo sa buhay kung hindi ang magkaroon ng makahulugan na buhay.

Tatawanan ko lang ang akda na ito sa mga susunod na panahon, sigurado ‘yan. Dahil hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko na nasa loob ng ibang kwarto araw-araw. Kahit mabango pa ‘yan. Kahit may carpet pa ‘yan. At kahit may aircon pa ‘yan. Dun muna ako sa kwarto kung nasan sila nandoon. Sama sama kami sa loob na masaya. Bahala na sila sa labas.

4 comments :

  1. Good evening ma'am!

    At last I found your blog. Ibinalik ako ng tadhana.

    Tulad mo, guro rin ako... galing ng corporate world -- hotel, telco, HR provider, health insurance name it.

    Noong 2016 nabigyan ako ng chance makapagturo. Substitute teacher. Nagustuhan. Nanganak ang kontrata. Inabot ng dalawang taon... and counting.

    Siguro ultimate goal ko na makapagpublic school pero sadyang wala pa ring swerte... dalawang beses na hindi nakasipot sa exam at interview at isang beses dahil sa sadyang cute ang pamahalaan.

    Tuwang-tuwa ako sa blog mo ma'am at nakarelate ako sa hugot ng corporate world at parang ibinato sa classroom na ang reaksyon ay "ha? ito na ito talaga?"

    Cheers!

    Charley

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat, Charley. Ang mga mensahe na katulad nito ang nagbibigay inspirasyon sa akin na ipagpatuloy ang tahimik na laban upang maiayos ang antas ng edukasyon sa bansa natin. Hindi pa huli para sa ultimate goal mo. Laban lang! :)

      Delete
  2. Hi Ma'am Carla! It took me days before I could finally remember your name, I was thinking... "I know it starts with A, followed by R, and it has ñ". I used to be your student 5 years ago. Youre one of the coolest teacher I've ever had during my first year, you inspired me by in so many ways. Ewan ko ba Ma'am, you sorta become a role model to me, I was a freshie when I wanted to be like you. Youre strong, passionate on your profession, your dedication to teach and many more! I feel so proud as your previous student to know you're inspiring many people. Keep up your great content Ma'am! We're all proud of you! Great job to all the public school Teachers like you!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi there! You found me online, whoever you are. Hihi. Maraming salamat sa magagandang salita. Hope to meet all of my former students somewhere, somehow. Kakaamiss kayo! :)

      Delete

My Instagram

Copyright © 2011- blissfulguro. Made with by LP via OddThemes