Naalala
ko pa noong nasa elementarya pa ako, isa ako sa mga batang hindi nagsasalita sa
klase kung hindi kinakailangan. Mahiyain kumbaga. Sa klase lang ‘yun. Lumalabas
ang gintong tinig ko kung isinasabak ako ng tatay ko sa videoke, o dun sa mga
multiplex cassette na may Side A at Side B na nawawala ang boses ng
kumakanta sa kabilang side para masabayan ito, hindi mo maiintindihan kung millennial ka.
Kung mayroong isang talento na maaari kong ipagmalaki, ito ay ang pagkanta. Hindi iyong pagkanta na nakakabasa ng nota na parang nasa isang koro o ipanglalaban sa kompetisyon kung hindi iyong pag-awit ng buong puso at kaluluwa, sa videoke. Oo, kahit anong kanta sa videoke ay kaya kong itawid, kahit pa nakaupo. Hindi sa pagmamayabang, o sa pagmamayabang na nga lang, isa ako sa inaabangan tuwing isasalang na ang videoke sa kahit na anumang okasyon.
Ngunit
ang mga ito ay isang alaala na lamang ng isang masayang kahapon. Siyam na taon
ko na ring hindi naaabot ang mga nota na para bang walang bakas ng husay nang
nakaraan. Siyam na taon, kasabay ng taon ko sa pagtuturo ang pagkawalay ko sa
tinig na dumagundong sa bawat kanto na may videoke (at bigla kong naisip na
tumanda na pala ako sa propesyon na ito nang hindi ko nararamdaman).
Maiba lang. Ang akdang ito sa pagsasara ng taong akademya ay hindi nakatuon sa mga estudyante o sa mga guro na ginawa ko na sa mga nakaraan kong mga isinulat. Ito ay isang pagpupugay at pagpapahalaga sa mga maliliit na bagay na bumubuo sa propesyong minahal ko na. Pero hindi ito isang trahedya, kundi isang pagpapala na kailangan ipagbunyi.
Anim na oras kada isang araw eh kailangan kong gamitin ang boses ko para marinig ng humigit kumulang na tatlong daang estudyante. Limang araw sa isang lingo. Apatnapung lingo sa isang taon. May mga araw naman na napapahinga ang boses ko, mga panahong may gawain ang mga bata. Ngunit kahit may gawain, hindi mo maiiwasan na magsaway sa mga batang sadyang napasobrahan yata ng asukal sa katawan kung kaya’t hindi natatapos sa kanilang pag galaw, happy hormones ng mga kabataan nga naman. Kaya kapag umuuwi ako, katahimikan lamang ang gusto ko. May mga pagkakataong wala ako sa mood makipagkwentuhan sa nanay ko dahil nga sa sobrang pagod ng buong araw na pagsasalita.
Anim na oras kada isang araw eh kailangan kong gamitin ang boses ko para marinig ng humigit kumulang na tatlong daang estudyante. Limang araw sa isang lingo. Apatnapung lingo sa isang taon. May mga araw naman na napapahinga ang boses ko, mga panahong may gawain ang mga bata. Ngunit kahit may gawain, hindi mo maiiwasan na magsaway sa mga batang sadyang napasobrahan yata ng asukal sa katawan kung kaya’t hindi natatapos sa kanilang pag galaw, happy hormones ng mga kabataan nga naman. Kaya kapag umuuwi ako, katahimikan lamang ang gusto ko. May mga pagkakataong wala ako sa mood makipagkwentuhan sa nanay ko dahil nga sa sobrang pagod ng buong araw na pagsasalita.
At eto na nga, parang unti-unting namamalat at nagiging garalgal ang boses ko. Mas madalas ang paos kesa sa hindi. Ang ending, wala nang boses na mailalabas kapag nabigyan ng pagkakataon sa videoke. Kahit ang simpleng kanta na Zombie ay nahihirapan na ako, dati naman hindi. Hindi na rin maririnig ang himig na umaalulong sa aking banyo kapag ako ay naliligo, nagpapatugtog na lang ako ng kung anuman mula sa aking cellphone.
Parang simple, pero mahirap. Masasanay ka na lang sa boses na dati naman ay hindi sayo. Ngunit, sa kabilang banda, ang boses na ito rin ang ginagamit ko para maibahagi ang mga leksyon sa pag-aaral at sa buhay mismo. Na kahit pagod at wala nang lakas pa na magpaliwanag sa mga katanungan nilang hindi natatapos ay patuloy pa rin ako sa pakikinig at pagsagot. Na hindi mo maaaring hindi sila kausapin dahil isang lingat mo lang ay iba na naman ang katanungan nila na kung hindi mo masagot ang isang tanong ay baka sa ibang bagay nila ito hanapin (numero unong tanong nila ay may kinalaman sa pag-ibig, hindi sa leksiyon sa araw na iyon, raging hormones).
Kaya naman kahit mahirap, kinakaya ko. Kahit paos at garalgal ay idinadaan ko sa tingin ang katiyakan na ako ay nandito lang kung kakailanganin nila ako. Yung tiwala na binibigay nila para isumbong ang kahit maliliit na parte ng buhay nila katulad ng binasa nang isang kaklase ng naka kandadong diary niya o mga mabibigat na isyu sa pamilya nila. Na makikita mo na bukod sa tinig ay importante na malaman nila na handa kang makinig, kahit ano pa man.
Noong Enero, pinalad akong maimbitahan na maging motivational speaker ng isang pambansang organisasyon ng mga kabataang guro mula Luzon hanggang Mindanao na dinaluhan rin ng ilang guro mula sa Southeast Asia. Naibahagi ko sa kauna-unahang pagtitipon ng grupong YouTeach ang paglalakbay ko patungo sa propesyon na hindi ko pinangarap tahakin. Ang tadhana nga naman ay may sarili nitong diskarte upang madala ka sa nararapat mong kalagyan sa mundo. At ang pagtitipon na yun ay ang kauna-unahan kong pagsasalita sa harap ng isang malaking madla tungkol sa buhay pagtuturo ko.
Pinili
kong gamitin ang Filipino sa pagsasalita gaya na lamang nang pagsusulat ko ukol
sa eskwela dito sa aking munting espasyo sa virtual na mundo. Parang madali, ngunit hindi. Sa umpisa,
gamit ang garalgal kong boses, ay nangapa pa ako kung paano ko mapupukaw ang
atensyon nila. Ngunit sa kalagitnaan ng aking salaysay ay hindi na ako nangamba
pa sa powerpoint presentation na hindi ko na nailipat o ang malikot kong kilos
sa pagsasalita. Ibinahagi ko ang nilalaman ng puso ko na kahit paulit-ulit kong
ikwento ay hindi ako magsasawa.
Ang
tatlumpong minuto na iyon ay isang eksena na tatatak sa buhay ko.
At sa huling araw na kapiling ko ang mga bata (ang tawag ko sa mga estudyante kong labintatlo hanggang labing-apat na taong gulang), ay ibinahagi ko ang paulit-ulit na leksiyon ko tuwing sasapit ang katapusan ng taon. Ang kahalagahan ng pagiging mabuting tao at gawin ang mga bagay nang may pagmamahal.
Ang mga tanong na hindi natatapos, ang mga tenga na hindi nagsasawang makinig sa bawat masasambit kong salita, at ang mga matang puno ng pag-asa sa darating na bukas. Sa tatlong daan mahigit na estudyante ko sa taon na ito, nawa’y hindi magbago ang pagtataka sa inyong batang pagtingin sa buhay. At nawa’y sa mga susunod na pagkakataon ay ang boses ninyo naman ang marinig kong namamayani sa mabuting mga gawain. Mabuhay kayo!
Post a Comment