Tatlong
linggo na ang nakalilipas simula nang may pinasok akong bagong teritoryo. Sa
siyam na taon ko sa pagtuturo, ngayon ko na lang ulit naramdaman ang ganito, parang
first day of school. Pamilyar ang kanilang mga mukha ngunit hindi ko maisip
kung paano ako magsisimula. Parang bago ulit, pero hindi naman. Ang weird.
Matagal na
panahon na rin akong hindi nakakapag kwento tungkol sa aking buhay pagtuturo.
Marahil ay naging pamilyar na ako sa larangan na ito na halos lahat ng
nangyayari taun-taon ay parang normal na lamang.
Ayos naman ang
lahat. Masaya pa rin ako sa pagkakataon na makapiling araw-araw ang mga pag-asa
ng ating bayan. At halos pareho pa rin
ang kinakaharap nilang problema, sa pag-aaral man o sa buhay. Marami pa rin ang
nagtatanong hanggang sa ngayon kung bakit at paano ako tumatagal sa pagtuturo. Minsan
napapagod din ako, napapagalitan ko rin ang mga estudyante ko at dumarating din
sa punto na kahit ako ay nagtatanong na din sa sarili ko kung bakit pa ako
nagtuturo. Masaya pa ako eh, ang lagi
ko lang tugon, Dahil kung hindi ako
masaya eh sigurado akong wala na ako sa larangan na ito.
Itong buwan
ng Setyembre, naatasan ako na humalili sa pwesto ng isang guro ng Grade 12. Na-promote
na kasi siya at lumipat na sa ibang eskwelahan. At upang hindi madiskaril ang
pag-aaral ng mga estudyante ay pinakiusapan ako na humalili pansamantala sa mga
klase niya hangga’t hindi pa dumadating ang kapalit nito.
Pinag-isipan
kong mabuti kung tatanggapin ko ba ang bagong hamon na ito. Nakapagturo na rin
ako sa lahat ng antas ng high school (na ngayon ay Junior High School na pala
ang tawag) at mas pinili kong maitalaga sa Grade 7; ang lebel na hindi na sila bata
pero hindi pa rin binata at dalaga pero ugaling bata pa rin, transition stage
kumbaga.
Tinanggap ko
ang hamon. Hindi ko rin alam kung bakit pero mabilis ang pagsang-ayon ko dito
kahit na dagdag-gawain ito at kailangan ko magising ng mas maaga sa nakasanayan
ko para lamang magampanan ang tungkulin na ito. Pero oo, tinanggap ko ng buong
puso at kaluluwa nang walang pag-iimbot.
Ang pamilyar
na eskwelahan ay naging bago sa aking paningin nang pumasok ako sa bagong
building ng Senior High School. Isang taon na ito mula nang naitayo ngunit
ngayon ko pa lamang ito masisilayan mula sa loob. Hinanap ko ang supervisor ng Grade
12 at hiningi ang schedule ko.
7:30 ng umaga
hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Limang tracks/strands ng Grade
12 ang bago kong mga klase; Maritime, Accountancy, Business, and Management (ABM),
Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), Bread and Pastry, at Welding. Parang college, pero
hindi pa. Senior High School, banyaga sa pandinig ko at kung nung sa panahon ko
to eh isa akong instructor o professor sa mga 18 year-olds na Second Year
College.
Nalito ako sa
ginagalawang bagong building. Inisa-isa ang kwarto sa first floor, pero wala.
Pumunta sa second floor, wala pa rin. Sa third floor, lalong wala. Sa wakas.
Nasa fourth floor pala ang klase na hinahanap ko. Humahangos akong tumayo sa
pinto. Late ako ng ilang minuto at tumayo sa pinto.
Bakit bente piraso lang sila? Bakit sobrang tahimik ng
klase na ‘to? Bakit hindi sila nagkkwentuhan? Saka bakit sila nakatingin lahat
sa akin at inaabangan ang sasabihin ko? Bakit maayos ang mga upuan nila? Bakit
walang nagsusumbong ng kung anuman? At bakit hindi ko sila sinasaway? Ay, teka,
bakit ang dami kong tanong?
Grade 12 |
Naglakad ako
nang marahan at inilapag ang gamit ko sa mesa na pang guro. Tahimik pa rin.
Hindi naman siguro sila takot sa akin dahil nakangiti naman ako. At hindi rin
naman siguro sila magkakaaway lahat na maaaring dahilan kung bakit hindi sila
nagsasalita. Dahan-dahan akong umupo habang dinadama ang kakaibang pangyayari
na ito. Ang katahimikan na hindi magaganap sa Grade 7 kahit pa sampu lamang ang
pumasok.
Pamilyar ang
mga mukha nila pero hindi ko mapagtanto kung sino sila. Nagpakilala ako.
Nagpatawa nang konti. Tumawa naman sila, nang konti rin. Nalaman ko na halos
lahat sa kanila ay naging estudyante ko noong Grade 7 sila. Ibinahagi ko ang
rason kung bakit ako ang nasa harapan nila at mukhang naintindihan naman nila
na pansamantala lamang ito, o maaari ring pansamantagal.
Nakakatuwang makita
na mga binata at dalaga na ang dating mga malilikot na bata (yung tipong likot
na bawat minuto ay may nangyayaring ikaiirita ng bawat isa). Wala na ang dating
halakhak sa pinakamaliliit na bagay. At wala na rin ang pagtawag sa pangalan ko
kasabay ang pwersahang kalabit sa braso nang pauli-ulit para maituon sa kanila
ang atensyon ko. Nagbago na nga talaga sila. Na tama rin lang naman para sa
edad nila.
Pero tahimik
pa rin. Walang kumikilos. Walang nagsasalita. Nagpagawa ako ng indibidwal na gawain.
Walang nag-uusap. Nakatuon ang bawat isa sa kanilang ginagawa. Payapa ang
pagilid. Nakakapanibago.
Isang oras na
ang lumipas at pakiramdam ko ay dobleng oras nito ang itinagal ko sa kwartong
iyon. Nagpaalam ako, naglakad pababa ng building at napabuntong hininga. Hindi
ako kabado kanina ngunit nakahinga ako ng maluwag paglabas sa building na iyon.
Na para bang nabunutan ng tinik.
Naglakad ako
patungo sa building ng Grade 7. Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang mga
dagundong na nagmumula sa kwarto na papasukan ko. Nasisilip ko sila mula sa
malayo. Mayroong nagwawalis sa corridor at ang president naman ng klase ay
pinuputukan na ng litid kakasaway sa mga kaklase na gustong lumabas. Nakarating
na ako sa ikatlong palapag at naglakad nang marahan papunta sa classroom. Nagpulasan
ang lahat nang makita nila ang katawang lupa ko.
Tumayo ako sa
pinto.
Nagkakagulo
pa rin sila.
Nanatili ako
sa kinatatayuan ko, nakatanaw sa lahat.
Nag-aayos
sila ng mga silya.
Nanatili pa
rin ako sa kinatatayuan ko, di nagsasalita.
May sumisigaw
na ng, “Tumahimik na nga kayo, ‘di nyo ba nakikita si ma’am?”.
‘Di pa rin
ako gumagalaw o nagsasalita.
May mga ingay
pa rin na nanggagaling kung saan man.
Nakatayo pa
rin ako sa pinto, nakatingin pa rin sa kanilang lahat.
May biglang
sumigaw at nagsumbong sa akin na kinuha daw ng kaklase niya ang ballpen niya.
‘Di pa rin
ako kumibo.
Nagsimula na
naman ang gulo at sumigaw na ang presidente ng, “Wag na nga kayo maingay, ‘di
ba kayo nahihiya kay Ma’am Carla?!”.
Nakatayo pa
rin ako.
Biglang
bumalot ang katahimikan sa loob ng silid.
Tinignan ko
isa-isa ang mga mata nila.
Tahimik ang
buong klase.
Naglakad ako
ng dahan-dahan papasok sa loob ng classroom.
Tahimik na
nga talaga sila.
Inilapag ko
ang gamit ko sa mesa.
Nakatingin
sila lahat sa akin at tumayo upang bumati.
Ngumiti at
bumati rin sa kanilang lahat ng magandang umaga.
Whew! Back at my homebase...
Whew! Back at my homebase...
Awwwwwwwww :)
ReplyDelete:)
DeleteMy exact reaction too
DeleteThanks Arlet! :)
Deletecool
ReplyDeleteThank you Jerome! :)
DeleteI salute all teachers. Hope you keep the fire of teaching burning in your heart.
ReplyDeleteTraveling is love... Teaching is life... Salamat :)
DeleteNakakatuwa, Teacher Carla. Mabuhay ka! avid fan ninyo nina Chyng, DongHo, LakadPilipinas -- Levintology :-)
ReplyDeleteAwww... Salamat naman Levintology :)
Delete