Ang mga Ngiti na Dulot ng Simpleng Laruan


Dahil kung iisipin mo nga naman, ang ilan sa mga batang ito ay masiyadong hinog na sa karanasan ng buhay na sa murang edad ay nakakalimutan na nila minsan ang maging bata. Kung kaya’t ang simpleng halakhak na galing sa musmos nilang mga tinig ay isang kaligayahan na para sa akin na walang katumbas…

Noong nakaraang Linggo ay may natanggap akong isang mensahe mula sa isang kaklase ko noong high school. Nagulat ako dahil hindi naman kami nagkaroon pa ng komunikasyon matapos ang graduation. Salamat sa Facebook at kami ay nagkaugnayan pa kahit sa screen lamang ng aming mga computer.

Public School Philippines Blog

Public School Philippines Blog

Ilang taon na siyang nagtatrabaho sa ibang bansa at ‘yun lamang ang nalalaman ko, maliban sa panaka-nakang sulpot ng balita sa news feed ng mga kasalukuyang pangyayari sa buhay niya. Marahil ay ganun din siya sa’kin.

Ang mensahe ay nasa tono ng pakikiusap. Nalalapit na ang kanyang kaarawan at gusto niyang makapagbahagi ng mga pagpapala niya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante ko. Naalala niya kasi ang naisulat ko halos dalawang taon na ang nakalilipas tungkol sa pagtipon ko sa mga batang hindi pa nakakatikim man lamang ng Jollibee sa tanan ng buhay nila, ang mga ngiti sa mata nila ay sadyang mahirap makalimutan.

Noong una ay natuwa ako hindi lamang sa magandang puso ng ka-eskwela ko kundi sa inspirasyon na napulot niya mula sa isinulat kong iyon. Sa totoo lang, hindi madalas ang mga ganoong pakiusap, oo, nakikiusap siya na gawin ko ‘yun sa ngalan niya dahil hindi nga naman niya magagawa ito ng personal.

Public School Philippines Blog

Public School Philippines Blog

Dumaan ang Lunes at nag-siyasat ako sa mga bata na posibleng hindi pa nakakakain sa Jollibee. Masaya naman ako na lahat sila ay nakaranas na nang kaligayahang dulot nito. Malugod kong ibinalita ito sa kanya na may halong lungkot dahil hindi maisasakatuparan ang hiling niya. Naisip ko naman na kung mamimili ako ng mga estudyante na isasali ko sa party na magaganap eh magkakaroon ng tampo ang iba na kung sa bakit sila ay hindi napili. Kaya napili ko na huwag nang ituloy ang handaan.

Ngunit nagbanggit din ako ng mga simpleng paraan na maisakatuparan ang nais niya. Nariyan ang bigyan ng maliliit na regalo ang lahat ng estudyante na hawak ko (mahigit-kumulang 230 na mga estudyante sa 5 sections) at nariyan din naman na magpakain sa lahat (na mahirap din naman dahil maiinggit ang ibang section).

Public School Philippines Blog

Naalala ko nung nakaraang taon, sinabi ko sa sarili ko na bago magsimula ang klase sa susunod na taon ay bibili ako ng recreational games para magamit ng mga estudyante ko. Mayroon kasi kaming lesson na ganoon kung saan ipinakikilala namin sa kanila ang iba’t ibang uri ng educational games na makakahasa ng mga kasanayan nila at nang pakikisama na rin sa iba. Binalak kong manggaling iyon sa kakarampot (oo may #hugot) na 13th month pay ko na natatanggap naming mga kaguruan tuwing Mayo. Ngunit totoo pala na natutupad ang mga pangarap, at iyon na nga ang iminungkahi ko sa aking butihing kaklase na maaaring gawin niya.

Public School Philippines Blog

Natuwa naman siya dahil pangmatagalan ang gamit ng mga ito. Agad-agad ay nagpadala siya ng malaking halaga upang maisakatuparan ang masayang balak na iyon. Sa sobrang laki ng halaga na iyon (sa standards ko) ay natuwa ako na parang bata habang nasa atm machine at kinukuha ang pera.

Noong nakaraang Sabado, kasama ang partner-in-crime ko ay tumungo kami sa isang toy warehouse kung saan kami nalula sa dami ng laruan kasama na ang educational toys na pagpipilian namin.

Public School Philippines Blog

Public School Philippines Blog
Malunod ka sa laruan, Carla
Jenga. Isa sa mga pangarap ko sa buhay na malaro ng mga estudyante ko ay ang wooden block tower na Jenga. Isang libong piso ang isa nito kaya hindi madali na matupad ang pangarap na iyon. Ngunit pagkakatain ko na 'to. Nakakita ako ng isang version nito na mas mura at dali-dali akong kumuha ng anim na set nito. Kung makikita nyo lamang ang mga ngiti sa mata ko habang dinadampot ko ang mga ito marahil ay aakalain ninyong pinaka-bagong model ng iPhone ang tangan-tangan ko. Ngunit nagsisimula pa lamang ako.

Snakes and Ladders. Code Breaker. Connect Four. Twister. Tig aapat kada laro.

Domino. Jackstones. Chess. Tig aanim.

Isang kahon halos na ang napamili ko ngunit may natitira pang pera mula sa shopping money ko. Ang sarap pala ng pakiramdam na gastusin ang perang alam mo na ikaliligaya ng iba.

Sungka. Matagal ko nang gustong ibalik sa uso ang larong ito. Ginalugad namin ang pamilihan sa paghahanap nito at sa kabutihang palad ay nakakita naman kami. Dalawang sungka na may kasamang shells bilang suga. Dagdag ngiti na naman sa aking puso.

Tinignan ko ang budget at napansin na mayroon pang natira. Naisip ko na bumili ng maliliit na laruan bilang premyo sa unang sultada ng palaro para sa mga bata. Maliliit na chess, snakes and ladders at jackstones ang napili ko, dalawampu kada isa.

Public School Philippines Blog
Giveaways
Sadyang mabigat ang bitbitin namin pauwi ng bahay ngunit magaan naman sa loob na alam mong para sa kaligayahan ng mga estudyante mo ang bigat na iyon. Ilang beses ko rin nabanggit habang namimili ako ang mga katagang, Matutuwa ang mga estudyante ko dito… Na may halong kilig at saya.

Inilatag ko ang mga laruan. Sinubukang laruin at nakisabay ang kapatid at nanay ko. Nakakatuwa naman dahil nabanggit ng kuya ko na ihahatid daw niya ako sa eskwelahan pagpasok ko dahil ‘di ko mabubuhat lahat ng iyon. Ang sarap pagmasdan ang pagsisikap ng mga taong may iisang damdamin ukol sa isang magandang hangarin.

Public School Philippines Blog
Can't wait!
Lunes. Araw-araw ay kinukulit ako ng 4:30 am alarm clock ko para sa 6:00 am na pasok ko. Ngunit marahil na rin sa sobrang excitement ay nauna pa ako sa alarm clock at naghanda na sa pagpasok.

Totoo nga, inihatid ako ng kuya ko sa eskwelahan at sinalubong ng guwardiya nang makita ang dami ng dalahin ko. Napatanong tuloy siya kung ano ‘yun. Napangiti siya, pati ang principal, nung narinig ang magandang kwento ko.

Public School Philippines Blog
Excited?!
At marahil ay hindi ko na kailangan pang isalaysay ang nangyari sa loob ng klase. Pare-parehong reaksyon; tuwa, excitement at ligalig. Sa sobrang tuwa nila ay kinailangan ko silang sawayin paminsan-minsan sa ingay nila na halos abot hanggang kabilang barangay.

Dumaan ang una, pangalawa hanggang sa pang limang klase ko na sobrang pagod ang katawang lupa ko; sa pagturo ng mga laro, sa pagtulong kung paano laruin ang mga ito at sa paulit-ulit na pagbanggit kung saan galing ang mga ito.

Public School Philippines Blog
Section 8
Public School Philippines Blog
Section 9
Public School Philippines Blog
Section 10
Public School Philippines Blog
Section 17
Public School Philippines Blog
Section 18
‘Yung simpleng ngiti sa mga mata nila. ‘Yung maalala nila na bata pa pala sila sa edad na trese at katorse. ‘Yung akala mong maliit na bagay pero hindi pala. Iyon ‘yun.



Salamat sa anghel na piniling ‘wag nang pangalanan sa pagbabahagi ng kaligayahan sa mga estudyante ko na itinuturing ko na rin na mga anak ko. At salamat sa pagtupad ng pangarap ko. Hindi mo alam ang ligaya na naidulot mo. Sana naroroon ka habang isa-isa nilang nilalaro ang mga ito. Salamat din sa tiwala at sa pagbibigay ng tiwala sa akin sa ginagawa kong pagtuturo. Nagkakaroon ng saysay ang pagsusulat at pagtuturo ko dahil sa mga taong katulad mo.

Sa aking partner-in-crime salamat sa pagsama mula sa planning stage (oo, may ganun talaga, haha) at sa pagbili ng mga ito (at sa pag-push na isulat ko ang Jollibee post ko dati).

Salamat sa nanay ko na nag-ayos ng mga laruan sa lagayan at sa kuya ko na naghatid sa akin sa eskwelahan nung araw na iyon.

8 comments :

My Instagram

Copyright © 2011- blissfulguro. Made with by LP via OddThemes