Ang Pinakaunang Pagkakataon na Mapaligaya sila ni Jollibee

Babala: Walang kinalaman ang management at mga tauhan ng Jollibee sa post na ito. Wish ko lang sana na sponsored ito pero hindi, pero hindi pa naman huli ang lahat :)

Blissfulguro Blog

‘Di ko alam kung saan at paano nagsimula ang usapan sa klase pero bigla na lang nangyari…

Siguro naman lahat tayo nakakain na sa Jollibee noh?

Napuno ng tawa at hagikhikan ang buong klase, sino nga ba naman kasi ang ‘di pa nakakakain kasama ang pinakasikat na pulang bubuyog sa bansa.

Ma’am siya daw po… Hindi pa nakakakain sa Jollibee…

Naghalinghingan ang lahat samantalang nagitla ako ng mga ilang segundo.

Ha? Seryoso? Sino?

May halong gulat, pagtataka at pagtatanong sa mga salita ko. Tapos bigla kong naisip na teka nga naman, hindi nga pala private school itong eskwelahan na pinagtuturuan ko, eh bakit ako nagtataka?

Ma’am siya po…

Tinuro ng kaklase ang estudyanteng tinutukoy niya. Siya pala…

‘Di ka pa nakakakain sa Jollibee hijo? Kahit isang beses? Kahit burger o chickenjoy? Kahit bigay lang ng kapitbahay? As in hindi pa talaga?

Tumayo siya ng dahan-dahan at tumango.

Opo ma’am. Hindi pa po talaga.

Tahimik ang lahat. Bumukas ng bahagya ang bibig ko na parang may sasabihin pero walang lumabas na salita. Nang mahimasmasan na ang lahat, tinanong nila ang kaklase kung totoo nga, at paulit-ulit siyang sumagot ng “oo”.

Lumipas ang ilang mga araw pero hindi pa rin matanggal sa isipan ko ang mga nangyari. Naikwento ko ‘to sa isang kaibigan na kapwa nagulat din. Matapos ang balitaktakan ay napagdesisyunan namin na gumawa ng isang magandang hakbang ukol dito. Ang plano? Tipunin ang lahat ng mga estudyate ko na ‘di pa nakakakain o nakakatikim man lang ng kahit na anong pagkain sa Jollibee.

Blissfulguro Blog

Nung sumunod na araw eh ako na yata ang pinakamasayang pumasok sa eskwelahan. May naisip akong isang sure shot na paraan para malaman kung sino sa daan-daang mga estudyante ko ang mapipili.

Kinausap ko isa-isa ang bawat lider sa klase ko. Sinabi ko ang pakay; na kailangang malaman nila kung sino ba talaga sa mga kaklase nila ang hindi pa nakakapasok at nakakakain sa Jollibee (kahit kagat o tikim lang). At dahil sadyang mausisa lang talaga sila eh tinanong pa nila kung para saan daw ‘yun. Sinabi ko na lang na may magpaparanas sa kanila ng kaligayahan ng maging isang bata sa loob ng Joliibee. Na-excite ang lahat at gumawa ng kanya-kanyang plano upang maisakatuparan ang balak ng titser nila.

Kaya ko naman ipinagawa sa mga lider ang pakay eh dahil alam kong merong mahihiyang magtaas ng kamay ‘pag tinanong ko sa buong klase 'yun. O baka naman may ‘di magsabi ng totoo ‘pag sinabi kong may manlilibre sa kanila. Mas matitimbang ng mga lider ang mga kaklase nila kung magsasabi ng totoo o hindi dahil mas matagal nila itong nakakasama kesa sa akin.

Blissfulguro Blog

Bumalik isa-isa ang mga lider na may dalang magandang balita. Iba’t-ibang paraan ang ginawa nila para malaman ng totoo ang pakay. Ang isa eh gumawa ng listahan ng mga paboritong inoorder sa Joliibee at kinausap isa-isa ang mga kaklase. Doon niya nalaman na dalawa sa kanyang mga kaklase ang hindi pa nakakakain sa Jollibee, napapanood lang daw nila ito sa TV. Ganun din ang sabi ng dalawa pang mga lider, tig-dalawa rin sa kanilang mga kaklase ang suwak sa mga hinahanap ko. Apat sa hawak kong mga sections ang nagbalita sa akin na lahat naman daw ng kaklase nila ay nakapag-Jollibee na kahit isang beses.

Anim... Anim na mga Grade 7 students sa pitong sections na hawak ko ang hindi pa nakakakain sa Jollibee. 

Pinatawag ko sila at kinausap kung totoo ba talaga ‘yun. Sumang ayon sila. Sinabihan ko na lang sila na magpaalam sa mga magulang na sa darating na Biyernes eh may manlilibre sa kanila matapos ang klase at kailangan ang pahintulot ng mga ito. Nakita kong excited sila sa narinig na balita. Nangulit pa ang isa na kung sino ba daw ‘yung tao na ‘yun, sinabi ko na lang na malalaman din niya ‘yun.

Blissfulguro Blog

Kinabukasan ay nalaman ng mga kaklase nila ang mangyayaring Jollibee party. Isa-isang lumapit sa akin ang mga makukulit na lalake at nagpupumilit na sumama. Sinabi pa ng isa na burger pa lang naman daw ang natitikman niya at bigay pa daw ito ng kapitbahay. Mabigat man sa aking puso eh kailangan kong sabihin na ang makakasama lang ay ‘yung mga talagang hindi pa nakakakain ng kahit ano. Nalungkot siya at nalungkot din ako. 

Sunod-sunod ang ganung eksena. Tinatago ko na lang sa tawa at ngiti ang kanilang pagpupumilit na sumama. Nakakalungkot ngunit kung kaya ko lang at may sapat ako na halaga eh isasama ko silang lahat na nagpupumilit kahit burger pa lang ang natitikman nila. Pero kailangan kong maging istrikto dahil kung hindi ay mapupuno ko sigurado ang isang branch.

Blissfulguro Blog

Dumating ang Biyernes na may ngiti sa aking mga puso. Pinayagan naman ang anim na estudyanteng nakalap ko. Ang usapan ay aantayin nila ako sa may covered court. Tumulak na kaming lahat sa Jollibee para sa isang masayang tanghalian kasama ang kaibigan ko na nagtulak sa akin na ituloy ang balak ko (na kumuha ng mga letrato at nagpumilit na isulat ko ang kwentong ito sa blog ko) at si Kathlyn, ang kaisa-isang estudyante na simula 1st year hanggang ngayong 4th year siya ay sinasabi sa lahat ng tao na ako lang ang paborito niyang titser habang buhay.

Dumating kami ng maayos sa Jollibee, dumeretso sa party area dahil wala nang mauupuan sa labas at dahil maraming lobo dun, tinanong ako ng isang estudyante kung pwede ba daw siyang mag-uwi ng lobo para sa kapatid niya, pumayag naman ang crew nung humingi ako. Naghanap kami ng mauupuan at iniwan sila sa pangangalaga ni Kathlyn. Dumeretso naman ako at ang kaibigan ko sa counter para pumili ng handa sa party na ‘yun.

16 na Chickenjoy
9 na Jolly Spaghetti
9 na Yumburger
9 na Jolly Crispy Fries
7 na sundae
6 na kanin (na 22 pesos pala ang isa!)
9 na softdrinks

Ilang sandali pa ay dumating na ang pinakahihintay namin. Bitbit ng tatlong crew ang lahat ng order namin at makikita sa mukha ng mga bata ang saya. Ang dami naman masiyado nito ma’am!, sabi pa ng isa. Nakita ng isang crew ang uniporme ng mga bata at sinabi na dun din daw siya grumaduate sa eskwelahan nila at nakikita niya daw ako noong nag-aaral pa siya. Sabay bulong ko naman sa kanya na pwede bang ilabas niya si Jollibee, wala daw si Jollibee nung mga panahon na ‘yun, sayang.

Blissfulguro Blog

Naghugas ng kamay, nagdasal at isa-isa ko nang iniabot ang lahat sa kanila. Ang pinakabilin ko lang sa kanila eh ubusin ang lahat ng nasa harapan nila at walang magtitira. Alam ko na kasi ang mangyayari ‘pag sinabi kong iuuwi nila ang tira nilang pagkain, kakain lang sila ng konti para may maiuwi sa pamilya nila. Sinabi ko na lang na dadating din ang pagkakataon na buong pamilya naman nila ang makakasama nila doon.

Tahimik ang lahat habang kumakain ngunit makikita mo sa mga ngiti nila ang sayang dulot ng mga nangyayari. Sabi pa ng isa, Nakikita ko lang ‘to ma’am sa TV dati. Ngiti ang ibinalik ko sa kanya.

Blissfulguro Blog

Blissfulguro Blog

Blissfulguro Blog

Masayang kwentuhan ang sumunod na nangyari. Nagharutan at nagkulitan sa paghahanap ng natitirang fries at sundae. Busog ang lahat at may iilan pang natira sa mesa. Saka ko nalang sinabi na pwede nilang iuwi kung anuman ang tira nila. Tinulungan ko silang magbalot ng mga ‘yun at dahil inabot ng isang oras ang pagkain namin eh tinapos ko na rin ang party sa araw na 'yun. Ibinilin ko kay Kathlyn na dapat ay sabay-sabay sila sa pag-uwi.

Bitbit ang mga Chickenjoy, Jolly Spaghetti at Yumburger na kanilang mga tira ay isa-isang nagpasalamat ang mga estudyante ko. Hindi nila alam kung kanino at hindi na sila nagtanong pa kung kanino, basta nagpasalamat na lang sila. Magkakaakbay silang lumabas, ang isa eh may bitbit pang pulang lobo na kumakaway pa habang tinatanaw ako pagtawid nila sa kalye. Hindi ko sila inalisan ng tingin dahil responsibilidad ko na makauwi sila ng maayos hanggang sa bahay nila.

Napabuntong hininga ako at nagpasalamat.

Sadya nga talagang maswerte ako sa linya ng trabaho ko dahil marami akong natututunan. Isa nga talagang pribilehiyo ang makasama ang mga batang ito araw-araw.

Naisip ko bigla ang mga kasamahan ko sa pagtuturo na sa palagay ko eh karapat-dapat gawaran ng kahit na anumang pagkilala para sa naiaambag nila hindi lang sa kaalaman ng mga bata kundi sa mismong buhay nila. Andiyan si Bb.Veluz na nangangalap ng pondo upang mag-sponsor ng pambaon para sa halos isang daan na estudyante para lang hindi sila umabsent sa klase. Andiyan din ang ilang guro na ibinibili ng sapatos ang mga bata kapag nakita nilang hindi na uubra ang mga ito. Ang ilan pa na taon-taon ay nagbabahagi ng mga gamit sa eskwela mula sa kanilang sariling bulsa. At marami pang mga walang pangalan na mukha na nagsusulong ng maayos na pamumuhay at pag-aaral ng mga kabataan na ito. Ang galing. Nakakatuwa at masarap sa pakiramdam na makita ang ganitong mga pangyayari sa eskwelahan. Iilan man sila pero sila talaga ang ehemplo ng isang pangalawang magulang sa mga batang ito.

Blissfulguro Blog

Kanina lang;

Ma’am Carla Happy Teacher’s Month po!
Ha? Isang buwan na ang selebrasyon? Kelan ba ang Teacher’s Day talaga?
October 5 po.
Mali… Araw-araw anak :)

47 comments :

  1. Saludo talaga ako sa mga titser!

    Pag inulit mo to, sabihan mo ko. :)

    ReplyDelete
  2. Amen to you!!!!! <3 Ayokong umiyak pero napaiyak ako.Always ko na reremember ung 6 chikitings ko >.<

    ReplyDelete
  3. Awww. :( Nangilid ang luha ko.. Good job, titser! Naalala ko yung matagal ko na sanang balak na magpatikim ng jollibee sa mga batang pulubi na never parin nakakain dun. Na-inspire ako para ituloy ung matagal ko ng gustong gawin. Keep up the good work, ma'am! :)

    ReplyDelete
  4. Haay! very touching yun Ma'am! Imagine ung saya nila ! Sarap pag masdan!

    ReplyDelete
  5. Nangilid ang luha ko dito Titser Karla! Saludo ako sayo Ma'am at sa iba pang guro! Tulad ng sinabi nila pedeng ulitin to and I'll be willing to give few amount! Salamat! Another life lesson and reason to thank with! Kudos to you! =) ;-)

    ReplyDelete
  6. Ma'am Carla!!! :'( Naiyak ako. :'( :'( :'( Jollibee Party sa Christmas Party!!! :) Sama ako!! :)

    ReplyDelete
  7. Replies
    1. Lasap na lasap ko nga bawat kagat ko ng Chickenjoy Michy eh. Hihi

      Delete
  8. Hindi lahat ng mabubuting tao nagiging Madre, Yung iba TEACHER!

    Medyo speechless ako.. hihi.. Ikaw talaga ng Superstar para saken :) -FEB

    ReplyDelete
  9. wow...bihira na ko bumisita ng blog pero kung ganito naman ang mababasa ko...prang gusto ko na ulit magsulat...salamat ma'am carla, isa ko sa mga dating bata na ngaaral sa pampublikong paaralan. Nadama ko talaga ang ginawa mo, saludo po ako sa yo.....kung meron ka ulit activity na ikatutuwa ng mga bata..isama mo ko ha...

    ReplyDelete
  10. ANG GALING!!!!! Gusto q ung thought na nandito na .. marami pang ibang titser na talaga naman, kahit gipit na nakukuha pa ring magbigay sa mga estudyanteng sobrng dilaw na nng uniform o sapatos na sira-sira na. EYE OPENER BLOG.

    ReplyDelete
  11. I have always been a fan of your blog and this is the first time i'm leaving a comment. This is by far your best entry.. saludo ako sa'yo Ma'am Carla.. Pwede po ba pa share ng entry na to?

    K from Cebu

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi there K! Thank you so much. You can share it of course :)

      Delete
  12. Very inspiring. Kakaiyak. Gusto ko din tong gawin eh para sa mga lolo and lola.

    ReplyDelete
  13. wow. very inspiring...keep it up mam carla....

    ReplyDelete
  14. astig c mam hndi lang puro gala.. more tulong more fun..

    ReplyDelete
  15. God bless you more Blissfulguro! 😊

    ReplyDelete
  16. God bless you more Blissfulguro! 😊

    ReplyDelete
  17. nakakaluha sa tuwa ang entry na to. i remember i did the same thing sa isang daycare sa QC. sa Jollibee naman ako nagwowork nun. Tumulong akong mapasaya yung mga students nila. Humingi ng discount sa Jollibee at nagdagdag ng mg kung ano ano para sa party like, giveaways etc. Ansarap sa pakiramdam diba? :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Wow nakakatuwa naman yun. Go lang sa mga ganyang hangarin :)

      Delete
  18. Naiyak ako dito, By far the best post I have read in your blogsite. or maybe one of the best because you write so well and I love your school stories! more of them, please.

    parang wala ka pa atang posts for this school year ah... sana magsulat ka pa nang maraming marami tungkol sa experiences mo. Gustong gusto ko ring magturo pero hanggang di ko pa napagtatapos ang tatlong mga anak ko, I would have to put that aside for the meantime and continue being a corporate slave. But as long as the dream in my heart, I know, someday, I will fulfill it.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Marami nga po nagtatanong kung bakit bibihira na daw po ako magsulat tungkol sa eskwela. Hayaan nyo po, pag may na feel po ako na tamang moment sa pagsusulat eh magsusulat po ako. Di ko po kasi pina plano yun eh, kusa na lang :)

      At wala po palang edad na pinipili ang pagtuturo. Ipagpatuloy nyo lang po ang pagtupad sa pangarap na yun. Salamat po ulit... Ma'am? Sir? Hihi

      Delete
    2. oh sorry. this is Kaye, kaemail mo. :)

      Delete

My Instagram

Copyright © 2011- blissfulguro. Made with by LP via OddThemes